Kinumpirma ni Police Regional Office 4A o CALABARZON Director, Police Brigadier General Carlito Gaces ang pag-alis sa puwesto kay Rodriguez, Rizal Chief of Police na si Police Lieutenant Colonel Ruben Piquero.
Paliwanag ni Gaces, bahagi ito ng command responsibility kasunod ng nangyaring pamamaril ni Police Corporal Arnulfo Sabillo sa 15 anyos na si John Francis Ompad, na nagresulta sa pagkamatay nito noong Agosto 20.
Pansamantalang papalit kay Piquero bilang Chief of Police ng Rodriguez Municipal Police Office si P/LtC. Arnulfo Silencio.
Samantala, sinabi naman ni Piquero sa isang hiwalay na panayam na tinatanggap niya ang naturang desisyon dahil bahagi ito ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa kaso.
Samantala, patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng PNP Internal Affairs Service sa insidente sa kasong administratibo na kinahaharap ni Sabillo, gaya ng grave misconduct at conduct unbecoming of Police officer na isang mabigat na batayan para alisin siya sa serbisyo. | ulat ni Jaymark Dagala