Titignan ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. kung may dapat mananagot sa ilalim ng doktrina ng Command Responsibility sa nangyaring pamamaril ng pulis sa Malabon na ikinasawi ng dalawang indibidwal.
Sa isang ambush interview sa Camp Aguinaldo matapos dumalo sa AFP Peace Symposium ngayong umaga, sinabi ng PNP Chief na gumugulong na ang imbestigasyon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa insidente, at titignan kung hanggang saan ang kaalaman ng mga nakatataas na opisyal sa pangyayari.
Una nang ipinag-utos ni NCRPO Chief PBGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang ‘extensive investigation’ sa insidente kung saan nakilala ang suspek na si Patrolman Zenjo Del Rosario na miyembro ng Station Drug Enforcement Unit ng Malabon City Police Station.
Nangyari ang insidente mag-aalas singko ng madaling araw kahapon sa Bgy. Acacia sa Malabon kung saan patay ang mga biktimang sina Jay Bacusmo at Alexis Guitierez, habang sugatan naman matapos magtamo ng tama ng bala sa katawan at kaliwang binti ang isa pang biktimang kinilalang si Baby Tadianmon.
Naaresto na ng mga kabaro niya ang suspek at isasailalim sa paraffin test at medical examination. | ulat ni Leo Sarne