Inaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation ang dalawang indibidwal dahil sa online child exploitation.
Naaresto sa isang entrapment operations ang mga suspek na kinilalang sina Lynette Cruz at Paulo Dela Cruz noong September 8.
Ayon sa NBI, nag-ugat ito sa impormasyong natanggap ng kanilang Anti-Violence Against Women and Children division mula sa Homeland Security Investigation Manila kaugnay ng umano’y ilang facilitators na nagpapadala ng sexually exploitative images at videos ng mga menor de edad sa Estados Unidos.
Nakita sa mga ebidensya na gumagamit ng iba’t ibang online platforms ang suspek sa kanyang modus kabilang ang Skype at WhatsApp at mayroon ding live streaming at sexual shows.
Kasunod naman ng operasyon, anim na menor de edad ang na-rescue ng NBI.
Naipresenta na sa inquest proceedings sa DOJ ang mga suspek at nahaharap sa mga patong-patong na kaso kabilang ang paglabag sa RA 11930 o ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act, RA 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act, at RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. | ulat ni Merry Ann Bastasa