Pinangunahan ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. ang sabayang paglulunsad sa apat na probinsya ng Bangon Pilipinas Serbisyo Fair.
Sa naturang programa pinagsama-sama ang animnapung government services kung saan halos 400,000 Pilipino ang makikinabang.
Isinagawa ang paglulunsad ng BPSF sa Camarines Sur kung saan personal itong dinaluhan ni Pang. Marcos Jr. habang si Speaker Martin Romualdez ang dumalo sa Leyte.
Nasa Ilocos Norte naman si Deputy Majority Leader Sandro Marcos at sa Davao de Oro nanguna sa paglulunsad si Special Assistant to the President Anton Lagdameo.
Ayon kay Romualdez, nais ilapit ng presidente sa mga Pilipino ang serbisyo ng gobyerno lalo na ang mga nasa malalayong lugar.
Naniniwala ang ating Pangulo na dapat maging pro-active ang ating mga ahensya sa pagbibigay serbisyo sa mga mamamayan.
“The dry run in Biliran last month was a huge success. And with the President’s participation in this Grand Launch, we believe that everyone involved in this event – especially those in government – will be running on passion and inspiration, knowing that the Chief Executive himself leads the charge in serving our fellow citizens,” sabi ni Romualdez.
Hanggang pasado alas onse ng umaga ngayong Sabado, umabot na sa 293, 046 ang mga nagparehistro sa BPSF.
Asahan din ani Romualdez na iikot ang BPSF sa lahat ng 82 probinsya sa bansa.
“Many times, the distance to urban centers discourages the people from far-flung areas. The BPSF is our way of bringing government services closer to them. We will have more of these Serbisyo Fairs as President Marcos wants this institutionalized, more or less,” sabi pa ng House leader.
Ilan sa mga serbisyong inilarga ay para sa social services, livelihood at educational, pagpaparehistro o renewal ng lisensya, pagkuha ng mga clearances, legal assistance at National ID.| ulat ni Kathleen Jean Forbes