Ipinatigil ngayon ng Bureau of Internal Revenue o BIR ang pagbebenta ng pabango ng kilalang budget perfume company na Ian Darcy.
Ito matapos na i-raid ng BIR ang planta at ang stall nito sa isang mall dahil sa ilang mga paglabag.
Pinangunahan mismo ni BIR Commissioner Romeo Lumagui ang pagkumpiska sa mga bentang pabango mula sa naturang brand sa SM North Edsa sa QC.
Ayon kay Comm. Lumagui, matagal nang hindi nagbabayad ng excise tax sa bentang pabango ang Ian Darcy na kung susumahin ay aabot na sa P500 milyon ang tax deficiency nito.
Bukod sa hindi pagbabayad ng excise tax, nadiskubre ring may planta ang naturang kumpanya sa Sampaloc, Maynila kaya kasama rin sa violation nito ang kawalan ng permit na mag-operate bilang manufacturer ng non-essential products.
Sa impormasyon ng BIR, mayroong 120 stalls nationwide ang naturang kumpanya na mayroon ding mga benta sa online shopping platforms.
Paliwanag naman ng BIR Commissioner, bibigyan pa rin ng pagkakataon ang kumpanya na maayos ang kanilang tax obligation pero hanggat hindi ito naareglo, ay hindi muna ito pwedeng magbenta ng pabango.
Kasunod nito, nagbabala si Comm. Lumagui sa iba pang kaparehong kumpanya na ‘wag balewalain ang mga paalala nito sa pagbabayad ng excise tax nang hindi mapuntirya ng kanilang pinaigting na operasyon. | ulat ni Merry Ann Bastasa