Hinatulan na ang menor de edad na suspek sa pagpatay sa Overseas Filipino Worker (OFW) na si Jullebee Ranara sa bansang Kuwait.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ito’y matapos na sentensyahan ng Juvenile Court sa Kuwait ang suspek na si Turki Ayed Al-Azmi ng 15 taong pagkakabilanggo dahil sa kasong murder at karagdagang isang taon pang pagkakulong para sa driving without license.
Dagdag pa ng DFA, mas mababa ang naging parusa ng Juvenile Court ng Kuwait dahil sa pagiging menor de edad ng akusado at may 30 days ito para iapela ang kanyang naging hatol.
Kaugnay nito, naipaalam na rin sa pamilya ni Ranara ang naging desisyon ng korte.
Nagpasalamat naman ang gobyerno ng Pilipinas sa mabilis na pag-aksyon ng Kuwaiti authorities sa kaso ni Ranara at nabigyan na ng hustista ang kanyang pagkamatay. | ulat ni AJ Ignacio