Itinuturing na welcome development ng Philippine National Police (PNP) ang naging pagbubunyag ni Senator Riza Hontiveros hinggil sa umano’y kulto sa bayan ng Socorro, Surigao del Norte.
Ayon kay PNP Chief, Police General Benjamin Acorda Jr., kanilang iimbestigahan ang mga impormasyong inilahad ng senator sa kaniyang privileged speech sa Senado, kahapon.
Sa pagbubunyag ni Hontiveros, nasa 1,000 menor de edad ang biktima ng nasabing kulto na nakaranas ng rape, sexual violence, child abuse at forced marriage.
Ayon kay Hontiveros, pinatatakbo aniya ang naturang kulto ng mga armado at makapangyarihang personalidad sa lugar na di umano’y sangkot sa iligal na droga.
Sa alegasyon naman na may sariling gobyerno ang naturang kulto, tiniyak ni Acorda na handa ang PNP na ipatupad ang batas, dahil iisa lamang ang Pilipinas at lahat ng Pilipino ay nasasaklawan nito. | ulat ni Jaymark Dagala