Katuwang ang Pag-IBIG Fund sa paghahatid ng abot-kayang pabahay sa Lungsod ng Iligan na itatayo ng New Day Realty Corporation (NDRC) sa Tinago Bel-Air Subdivision, Mimbalot, Buru-un, Iligan City.
Ipinakita ng NDRC ang kanilang model house na mayroong tatlong kuwarto na single-detached o ang modelong “Pristino 1” noong ika-8 ng Setyembre, 2023 sa naturang lugar.
Layunin ng NDRC na maghatid ng maaliwalas, kaaya-aya, at abot-kayang tirahan para sa sambayanang Pilipino lalung-lalo na sa mga Iliganon.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas Iligan kay NDRC Senior Sales Associate Tara Patricia Salvador, sinabi niyang inaasahang mai-turn over ang iilan sa Pristino 1 sa susunod na taon.
Bukod doon, magtatayo ang NDRC ng 619 na pabahay sa loob ng kanilang 15 hektaryang lawak ng proyekto na binubuo ng iba’t ibang mga modelo tulad ng Sunnyville, Villafresca, Pristino 2, at Monticello.
Kaugnay nito, inihayag din ni Salvador na kasama sa payment options ang Pag-IBIG Fund sa pamamagitan ng housing loan program upang makabili ng naturang pabahay.
Matatandaan, inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kaniyang ikalawang SONA na mahigit 100,000 mga Pilipino ang naitalang kumuha ng housing loan mula sa Pag-IBIG Fund sa nakaraang taon.
Patuloy rin ang Pag-IBIG Fund sa paghahatid ng serbisyo upang makatulong sa 15 bilyong miyembro nito para makabili ng sarling bahay. | ulat ni Sharif Timhar Habib Majid | RP1 Iligan
📸 RP1 Iligan