Nabawi ng PNP Highway Patrol Group ang 10 sasakyan na natangay ng sindikato na nasa likod ng car loan scam na nakapambiktima ng maraming guro.
Sa presentasyon ng mga narekober na sasakyan sa Camp Crame ngayong umaga ng HPG kasama ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), sinabi ni HPG Director Police BGen Allan Nazarro, na natunton nila ang mga kotse sa iba’t-ibang lugar sa Region 3 at Metro Manila.
Mahigit 60 reklamo tungkol sa car loan scam ang natanggap ng HPG at PAOCC, kung saan karamihan sa mga biktima ay mga guro sa Pampanga, Bataan, Bulacan, Zambales at Metro Manila.
Sa ilalim ng car loan scam, inaakit ng sindikato ang mga guro na mag-loan ng kotse sa banko para ipang-negosyo, kung saan kukunin ng sindikato ang kotse kapalit ng pag-tutuloy ng hulog at pangako sa guro ng buwanang kita mula sa pagpapa-arkila ng sasakyan.
Makalipas ang ilang buwan ng pagbibigay ng umano’y kinita ng sasakyan sa guro ay mawawala nalang ang sasakyan at ang mga guro ang hahabulin ng banko sa pagkakautang nito. | ulat ni Leo Sarne