Binansagan ng Philippine National Police bilang fake news ang mga ulat tungkol sa umano’y serye ng pagnanakaw sa mga establisyimento sa Lungsod Quezon na kumakalat sa social media.
Sa isang statement ni Quezon City Police District Director Police Brig. Gen. Red Maranan na inilabas ng PNP Public Information Office, maring pinabulaanan ng heneral ang mga naturang insidente.
Ayon kay Maranan, may mga kahalintulad na ulat na ring kumalat sa social media sa mga nakalipas na taon, pero walang konkretong ebidensya na magpapatunay sa mga ito.
Kabilang sa mga binabanggit na umano’y ninakawan sa fake news ang: Namiya Izakaya, sa Sct. Tobias; Banawe Starbucks sa Brgy. Lourdes; at Shangri-La Chinese Seafood Cuisine sa Times St., Brgy. West Triangle, na sinasabing nakunan ng kabuuang ₱350,000 cash at kagamitan.
Paalala naman ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. sa publiko na maging mapanuri sa hindi beripikadong impormasyon na kumakalat online. | ulat ni Leo Sarne