Aabot sa 54 indibidwal ang naaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District dahil sa iba’t ibang paglabag sa katatapos Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2023.
Ito ay resulta ng mga ikinasang operasyon ng QCPD sa maaigit 5,000 checkpoints sa lungsod kung saan halos 100 na mga armas at iligal na kontrabando ang nakumpiska.
Kabilang sa mga nakuha ng mga otoridad ang 35 kontrabando o deadly weapons habang mahigit 60 naman na mga armas ang nasamsam sa gitna ng election gunban.
Ayon kay QCPD director PBGen. Redrico Maranan, nagsagawa rin sila ng surprise inspection sa mga terminal ng bus upang masigurong nasusunod ng mga driver at pasahero ang mga ipinaturupad na panuntunan.
Wala namang naiulat na election related incidents sa lungsod at naging maayos ang pagpapatupad ng mga batas.
Sa kabila nito, tiniyak ni Maranan na magpapatuloy ang kanilang operasyon at pagbibigay ng serbisyo sa publiko upang masiguro ang kaligtasan at seguridad sa lungsod. | ulat ni Diane Lear