Pinaalalahanan ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. ang mga pulis na ipatupad ang ‘maximum tolerance’ sa ikinasang transport strike ngayong araw ng grupong PISTON.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief at Spokesperson PCol. Jean Fajardo, tagubilin ng PNP Chief na hayaan ang mga magra-rally na maghayag ng kanilang saloobin basta’t hindi ito makaaabala sa karapatan ng iba.
Pakiusap naman ng PNP sa mga makikilahok sa nasabing transport strike na huwag mamilit ng kapwa nila tsuper na ayaw sumama sa tigil-pasada.
Ani Fajardo, ayaw nilang humantong sa arestuhan ang paghahayag ng saloobin, bilang bahagi ng demokratikong proseso.
Kasunod nito, handa rin ang PNP na umalalay sa mga maii-stranded na mga pasahero sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng sakay.
Mayroon din aniya silang sapat na mga tauhan na naka-deploy sa mga lansangan para umalalay sa mga maaabalang commuter.
Ang naturang tigil-pasada ng grupong PISTON ay para tutulan ang itinakdang deadline para sa franchise consolidation application ng mga Public Utility Vehicle sa Disyembre 31. | ulat ni Leo Sarne