Dinagsa ng mga residente sa Malabon ang Tugatog Cemetery partikular ang bagong bukas na Wall of Remembrance kung saan makikita ang pangalan ng mga nakahimlay sa sementeryo.
Bagamat maliit lang ang espasyo, pami-pamilya pa rin ang nagtutungo rito para alalahanin ang namapayapang mahal sa buhay.
Matapos kasi ang dalawang taon ay ngayon lang muli binuksan ang naturang sementeryo kaya marami sa mga dumalaw rito ang sabik na makadalaw ngayong Undas.
Kasama rito ang pamilya ni Evelyn na sinamantala na rin ang pagbisita sa sementeryo para makapag-reunion.
Hindi rin nahirapan si Jenniferd na hanapin ang pangalan ng kanyang pumanaw na ama dahil naka-alpahabetical ang mga nakalista dito sa Wall of Remembrance.
Binubuo ang Wall of Remembrance ng kabuuang anim na pader na may taas at haba na 8.4 metro. Nakaukit dito ang nasa 5,000 pangalan ng lahat ng mga yumao na inilibing sa sementeryo.
Binuksan ito ng Malabon LGU kung saan maaaring magunita pa rin ng mga residente ang alaala ng kanilang mga yumao habang nagpapatuloy pa rin ang pagsasaayos sa Tugatog Cemetery.
Mayroon ding pwesto kung saan maaaring mag-alay ng bulaklak at magtirik ng kandila ang mga bisita.
As of 11am ay umabot na rin sa 2,000 ang bilang ng mga dumalaw sa sementeryo na inaasahang tataas pa sa mga susunod na oras. | ulat ni Merry Ann Bastasa