Naging maayos at mapayapa sa kabuuan ang paggunita ng All Saint’s Day at All Soul’s Day sa buong lungsod Quezon, ayon ‘yan sa Quezon City Police District (QCPD).
Sa isang pahayag, sinabi ni QCPD Chief PBGen. Redrico A. Maranan na walang naitala ang QCPD na anumang karahasan o insidente patungkol sa paggunita ng Undas 2023.
Ito ay bunsod na rin aniya ng matinding preparasyon na ikinasa ng pulisya upang masiguro ang kaligtasan at seguridad ng mga Pilipinong dumalaw sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Kabilang dito ang buong pwersang deployment ng libu-libong pulis na ipinakalat hindi lang sa mga sementeryo at kolumbaryo, kundi pati na rin sa mga terminal ng bus, mga MRT/LRT at iba pang ‘places of convergence’ at ‘major thoroughfares’.
“Dahil sa magandang preparasyon at dedikasyon ng ating personnel in their duties, gayundin ang koordinasyon na ipinakita ng publiko, kasama ang mga pagsisikap ng Quezon City LGU, mga force multipliers, barangay tanods, Metro Manila Development Authority (MMDA), and other agencies, naging payapa ang Undas 2023 at walang naitala ang QCPD na anumang karahasan o insidente patungkol dito,”
Kasunod nito, tiniyak ni Gen. Maranan na nakatalaga pa rin ngayon ang mga police assistance desk sa iba’t ibang terminal sa lungsod para patuloy na matiyak ang seguridad ng mga mag-uuwian mula sa probinsya. | ulat ni Merry Ann Bastasa