Mariing kinondena ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang pagwawala at pagpapaputok ng baril sa isang restobar sa Quezon City ni Police Lieutenant Colonel Mark Julio Abong.
Sinabi ni Secretary Abalos, na isang malinaw na halimbawa ito ng pang-aabuso sa tungkulin ng isang otoridad na nasa serbisyo.
Dahil dito ipinag-utos na ni Abalos ang background check sa status ni Abong sa Philippine National Police.
Una nang dinismiss sa serbisyo ng Quezon City Peoples Law Enforcement Board ang police official noong nakalipas na taon.
Samantala, pinapurihan naman ni Abalos ang Quezon City Police District sa pag-aresto sa nagwawalang pulis na dating hepe ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit.
Bilang Chairperson ng National Police Commission at DILG Secretary, titiyakin ni Abalos na maipatutupad ang hustisya, at maparusahan ang isang pulis na walang karapatang manatili sa serbisyo.
Si Abong ay isinalang na ng QCPD sa inquest proceedings dahil sa kasong kriminal at administratibo. | ulat ni Rey Ferrer