Hindi pa man narerekober ang dalawa sa siyam na tumakas na preso sa station 1 ng MPD, ay nahaharap nanaman ang ilang tauhan nito sa panibagong kontrobersya.
Sibak sa puwesto ang opisyal at mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ng MPD Station 14 sa Quiapo.
Ito ayon kay MPD Chief Police Colonel Arnold Thomas Ibay ay sa paratang na extortion laban sa ilang kasapi ng SDEU ng Station 14.
Layon ng hakbang na hindi maimpluwensyahan ng naturang mga pulis ang imbestigasyon laban sa kanila.
Una rito, isang social media post ang lumabas na nagsasabing dumayo sa lugar ng Station 2 ang ilang pulis ng Statin 14 para mang-aresto ng dalawang babae.
Sa alegasyon sa post, wala umanong warrant na dala ang mga pulis at pinakawalan lamang ang mga babae matapos di umanong magbayad ng P45,000.
Kinumpirma naman ni Police Major Philip Ines, PIO ng MPD na kagabi iniutos ang pag-aalis sa puwesto sa mga tauhan ng SDEU ng MPD 14.
Sa ngayon aniya ay nakikipag-ugnayan pa sila sa mga sinasabing biktima ng extortion. | ulat ni Lorenz Tanjoco