Naglabas ng update si Calamba Municipal Police Station (MPS) OIC PCpt. Diore Libre Ragonio kaugnay sa pagpaslang sa isang brodkaster ng 94.7 GOLD FM na si Juan T. Jumalon o mas kilala bilang “Johnny Walker,” 57 anyos.
Ayon kay Ragonio, batay sa inisyal na pagsisiyasat, tatlo ang kinikilalang suspek na binubuo ng isang naka-motorsiklo, at dalawa naman ang pumasok sa loob ng pamamahay ng biktima.
Aniya pa, mayroong dalawang kinikilalang eyewitness o saksi sa pangyayari na kasalukuyang nasa Police Regional Office 10 upang tukuyin ang pagkakakilanlan ng salarin.
Sinabi niya ring may mga nakuha sa Closed-Circuit Television o CCTV na maaaring iugnay sa magiging pahayag ng mga eyewitness at pamilya ng biktima.
Matatandaan na nasaksihan ng mga manonood sa social media ang pamamaril ng hindi pa tukoy na suspek sa biktima habang naka-livestream ang programa nito sa Facebook.
Huli rin sa livestream ang pagtangay ng suspek sa kuwintas na suot ng biktima matapos itong pagbabarilin.
Naganap ang insidente kaninang pasado alas-singko ng umaga, Nobyembre 5, 2023 sa radio station ng 94.7 GOLD FM sa Brgy. Don Bernarfo A. Neri, Calamba, Misamis Occidental.
Samantala, patuloy ang pag-iimbestiga ng mga kapulisan kaugnay sa insidente at inaalam ang motibo sa krimen.| ulat ni Sharif Timhar Habib Majid| RP1 Iligan