Tiniyak ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. ang “commitment” ng PNP na pangalagaan ang seguridad ng mga mamamahayag.
Ang pagtiyak ay ginawa ng PNP Chief kasunod ng pamamaril at pagpatay kamakalawa sa broadcaster na si Juan Jumalon sa Calamba, Misamis Occidental.
Ipinaabot naman ng PNP Chief ang kanyang pakikiramay sa pamilya at mga kasamahan sa trabaho ni Jumalon.
Kasabay nito, sinabi ng PNP Chief na determinado ang PNP na agarang matukoy at mahuli ang mga responsable sa krimen sa pamamagitan ng pagbuo ng Special Investigation Task Group (SITG) at paglulunsad ng malawakang manhunt operation.
Ayon kay Gen. Acorda, binibigyang prayoridad ng PNP ang kaligtasan ng mga miyembro ng media dahil katuwang ng pambansang pulisya ang mga ito sa paglalabas ng katotohanan sa publiko.
Kasunod nito, muling tiniyak ni Acorda na bukas ang kanyang linya ng komunikasyon sa sinumang media personality na nakakatanggap ng pagbabanta sa kanilang buhay. | ulat ni Leo Sarne