Nasa kamay na ng Philippine National Police (PNP) ang kuha sa CCTV ng dalawang suspek sa pamamaril at pagpatay sa Radio broadcaster na si Juan Jumalon.
Ayon kay Misamis Occidental Provincial Police Office (PPO) Spokesperson Alma Laurie Pescador, isasailalim nila sa enhancement ang naturang video para matukoy ng malinaw ang mga mukha ng mga suspek na nakunan ng camera sa pagpasok sa gate ng 94.7 Calamba Golf FM.
Sinabi ni Pescador na may dalawang witness na ang Special Investigation Task Group (SITG) sa insidente, kabilang ang isang empleyado ng Radio station at ang babaeng working student na tumutuloy sa bahay ng broadcaster.
Nagpanggap na mananawagan lang sa Radyo ang mga suspek kahapon ng 5:35 ng umaga sa bahay ng suspek kung saan naroon ang Radio booth.
Nang pagbuksan ng gate ng empleyado, bigla itong tinutukan ng isang suspek, habang ang isa pang suspek ang pumasok sa Radio booth at bumaril sa biktima.
Apat na anggulo ang tinitignan ngayon sa insidente, kabilang ang posibleng kaalitan, habang hindi muna binanggit ang tatlo pa. | ulat ni Leo Sarne