Nakapagtala ng 19 na insidente ang Philippine National Police (PNP) na may kaugnayan sa kanilang ‘Ligtas Paskuhan 2023’.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, P/Col. Jean Fajardo, mula ito nang itaas ang full alert status ng Pulisya noong Disyembre 16 hanggang ngayong araw ng Pasko.
Sa nasabing bilang, 6 ang illegal discharge of firearms, 7 ang illegal possession/use/sale of firecraker, 5 ang nabiktima ng paputok habang isa ang naitalang sunog dahil sa paputok
Dahil dito, 8 ang naaresto, 2 ang naitalang nasawi habang 11 naman ang nasugatan partikular na iyong mga nabiktima ng paputok.
Samantala, ipinagmalaki rin ng PNP ang halos 67% pagbaba sa bilang ng mga naitalang krimen nitong bisperas ng Pasko, Disyembre 24.
Sinabi ni Fajardo na sa nasabing petsa, aabot sa 34 focus crimes lamang ang kanilang naitala na nasa 66.34% na mas mababa kumpara sa 101 krimen na kanilang naitala sa kaparehong panahon noong isang taon.
Gayunman, sinabi ni Fajardo na sa kabila ng mga naitalang krimen, nananatiling ligtas at mapayapa ang pagdiriwang ng Pasko ng mga Pilipino. | ulat ni Jaymark Dagala