Itinaas na sa Red alert status ang buong Mindanao kasunod ng pambobomba sa Mindanao State University sa Marawi City kaninang umaga.
Habang itinaas din sa heightened alert ang buong Metro Manila simula kaninang umaga.
Sa ginanap na joint press conference sa Camp Aguinaldo ngayong hapon, humarap sina DND Secretary Gilbert Teodoro Jr., AFP Chief of Staff LtGen Romeo Brawner at PNP Chief Directorate Staff Lt.General Emmanuel Peralta.
Sa panig ng PNP, sinabi ni LtGen Peralta, nagpapatuloy na ang full blast investigation sa bombing sa Marawi City.
Dahil aniya sa pagtaas ng alert status sa Mindanao at Metro Manila asahan na ang pagtatalaga ng mga Checkpoint sa mga stratehikong lugar.
Sa panig ng AFP, sinabi ni Lt.Gen Brawner na lahat ng possible angles sa pambobomba sa Marawi ay sinisilip na ng militar.
Kasama na rin ang anggulong paghihiganti kasunod ng magkasunod na isinagawang na operasyon ng militar sa Maguindanao, Lanao at Basilan mula noong Disyembre 1.
Samantala, sinabi naman ni Defense Sec. Gibo Teodoro, hindi raw dapat mabahala ang mamamayan dahil responsibilidad ng law enforcement agencies na pangalagaan ang seguridad at kapakanan ng publiko.| ulat ni Rey Ferrer