Pumalo na sa 5 ang bilang ng mga naaresto ng Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) dahil sa iligal na pagbebenta ng paputok online.
Dalawang lalaki ang kanilang naaresto sa isinagawang entrapment operations sa harap ng isang convenience store sa Brgy. San Ramon, bayan ng Dinalupihan sa Bataan kaninang alas-9:15 ng umaga.
Kinilala ni PNP ACG Cyber Response Unit Chief, P/Col. Jay Guillermo ang mga nahuli na sina Jaymar Sandoval at Eugene Macasaet na nagbebenta ng mga paputok sa pamamagitan ng Facebook.
Nakuha sa kanila ang 2 bundle ng kwitis, isang sawa na mayroong 1,800 rounds at isang kahong picollo at dinala na sa Regional Anti-Cybercrime Unit 3.
Nahaharap ang mga ito sa patung-patong na reklamong paglabag sa Republic Act 7183 o ang Firecrackers Regulation Law at Cybercrime Prevention Act of 2012.
Una nang nagkasa ng operasyon ang PNP-ACG sa Tondo sa Maynila kagabi kung saan isa ang naaresto habang dalawan naman ang arestado sa magkahiwalay na operasyon sa Caloocan City bago mag-Pasko.
Kasunod nito, muling umapela si Guillermo sa publiko na huwag tangkilikin ang mga nagbebenta ng paputok online dahil sa hindi ito pinapayagan ng batas. | ulat ni Jaymark Dagala