Ipinaabot in Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro ang kanyang pakikiramay sa pamilya ng sundalong nasawi sa pakikipaglaban sa NPA kahapon sa Balayan, Batangas.
Tatlong iba pang sundalo ang sugatan; habang anim namang miyembro ng NPA ang nasawi, nang makasagupa ng mga tropa ng 59th Infantry “Protector” Battalion ng Philippine Army, kasama ang Philippine Navy, at Philippine Air Force ang armadong grupo ng NPA na nagpupulong sa Barangay Malalay sa naturang bayan.
Ayon sa militar, naglunsad sila ng operasyon matapos matunugan ang pagpupulong ng mga teroristang komunista sa layong muling buhayin ang NPA sa Batangas, na una nang idineklarang insurgency-free noong 2021.
Nagpasalamat naman si Sec. Teodoro sa katapatan at kabayanihan ng mga sundalo sa pagtatanggol at pangangalaga sa bayan.
Tiniyak naman ni Sec. Teodoro ang lahat ng tulong medikal sa mga sugatang sundalo at kaukulang tulong sa pamilya ng sundalong nagbuwis ng buhay. | ulat ni Leo Sarne