“Generally peaceful” kung ituring ng Philippine National Police (PNP) ang pagsalubong ng sambayanang Pilipino sa araw na ito ng Pasko.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, P/Col. Jean Fajardo, wala silang naitalang anumang ‘untoward incident’ sa nakalipas na magdamag.
Samantala, nagpaabot naman ng kaniyang mensahe si PNP Chief, P/Gen. Benjamin Acorda Jr. sa araw na ito ng Pasko.
Tiniyak nito ang buong pusong paglilingkod ng mga pulis para masigurong ligtas at malayo sa panganib ang publiko kaalinsabay ng kanilang pagdiriwang.
Nakikiisa aniya ang mahigit 232,000 puwersa ng pulisya sa masayang araw na ito at hangad nila na maging tahimik, payapa at ligtas na sasalubungin ang Bagong Taon.
Gayunman, sinabi ni Acorda na hindi magpapaka-kampante ang pulisya at mananatili rin silang naka-alerto lalo’t bukas, ipagdiriwang ng CPP-NPA ang kanilang ika-55 anibersaryo. | ulat ni Jaymark Dagala