Inanunsyo ngayon ng transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide o PISTON na muli itong magtitigil-pasada sa darating na Huwebes at Biyernes, Dec. 14 -15.
Ayon sa grupong PISTON, ito ay bilang pagtutol pa rin sa deadline ng mandatory franchise consolidation na bahagi ng PUV modernization sa Dec. 31.
Giit ng grupo, maraming tsuper at operator ang mawawalan ng kabuhayan dahil sa modernization program at magreresulta rin ito sa malawakang transport crisis.
Una nang nilinaw ng LTFRB na hindi na magbabago ang ibinigay na palugit ng pamahalaan na Dec. 31 para sa pagsasama-sama ng mga tsuper o operator sa iisang kooperatiba o korporasyon (Industry Consolidation).
Muli rin nitong ipinunto na ginagawa na nila ang lahat para maging simple at madali ang proseso ng consolidation sa mga jeepney operator at driver.
Kasama naman sa standard operating procedure ng LTFRB ang makipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya at local government units bilang paghahanda sa transport strike. | ulat ni Merry Ann Bastasa