Nais paigtingin ng National Capital Region Police Office ang police patrolling at intelligence gathering sa mga komunidad hinggil sa natatangap na “priority intelligence requirements” kaugnay ng nangyaring pambobomba sa isang unibersidad sa Marawi.
Ayon kay NCRPO Chief PMGen. Jose Melencio Nartatez, Jr., inatasan na niya ang mga police commander at operatiba ng pulisya na tingnan at beripikahin ang mga impormasyon sa kanilang mga nasasakupan.
Tiniyak din nito na bubuwagin ng PNP Intelligence Division ang lahat ng banta sa seguridad sa Metro Manila kabilang na ang terorismo.
Kahapon, una nang itinaas ng PNP sa heightened alert ang buong NCR bilang ‘precautionary measure’ kaugnay ng naganap na pambobomba sa Marawi kung saan papaigtingin ang police patrol gayon din ang intelligence gathering. | ulat ni AJ Ignacio