‘Under restrictive custody’ na ng Philippine National Police (PNP) ang isang tauhan nito matapos magpaputok ng baril sa Malabon City.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, P/Col. Jean Fajardo, kabilang ang naturang pulis sa 6 na naitala nilang kaso ng ‘illegal discharge of firearm’ ngayong holiday season.
Sinabi ni Fajardo, nabatid na ‘accidental firing’ ang nangyari sa naturang pulis subalit bilang bahagi ng protocol ay inilagay pa rin siya sa restrictive custody at nadisarmahan na rin.
Dahil dito, 2 na ang pulis na naitalang iligal na nagpaputok ng baril kasama ang 2 sundalo habang may 2 ang inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Patuloy naman ang paalala ng PNP sa mga gun owner na maging responsable sa paggamit ng baril at huwag itong paputukin lalo na sa pagsalubong sa Bagong Taon. | ulat ni Jaymark Dagala