Nasa halos ₱133 milyon na halaga ng iligal na droga ang nakumpiska ng Philippine National Police mula Enero 1 hanggang Enero 18 ng taon.
Ayon kay PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr., ang naturang halaga ay resulta ng 1,376 na anti-illegal drug operation sa loob ng naturang panahon.
Nasa 1,661 drug personalities naman ang naaresto mula sa nabanggit na operasyon.
Samantala, iniulat ng PNP Chief na 4,614 tauhan ng PNP ang isinailalim sa random drug testing mula Enero 1 hanggang Enero 22, kung saan anim na pulis ang nagpositibo.
Tiniyak ng PNP Chief na ang naturang mga pulis ay masisibak sa serbisyo para masiguro na drug-free ang hanay ng mga pulis. | ulat ni Leo Sarne