Naabo ang hindi bababa sa 7 bahay matapos madamay sa nasunog na junkshop sa Antipolo City sa Rizal.
Batay sa ulat ng Antipolo City Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog sa naturang junkshop sa bahagi ng Ma. Corazon Phase 3 sa Brgy. Bagong Nayon pasado alas-5 ng umaga.
Ayon kay BFP Antipolo Chief for Operations, F/SO3 Lucerio Duenas, dahil sa pawang light materials gaya ng plastic bottles, karton at iba pang kalakal, iniakyat nila ang sunog sa unang alarma.
Dahil dito, mabilis na kumalat ang apoy kung saan apektado ang 7 pamilya.
Alas-6 ng umaga nang ganap na maapula ang sunog subalit inaalam pa kung magkano ang napinsala at kung paano nagsimula ang sunog.
Masuwerte namang walang nasawi o nasugatan sa insidente subalit nagdulot ito ng mabigat na daloy ng trapiko sa bahagi ng Marcos Highway. | ulat ni Jaymark Dagala