Siniguro ni Senate Committee on Finance Chairman Sonny Angara na naglaan ang pamahalaan ng P130 million para sa Lung Center of the Philippines(LCP) sa ilalim ng 2024 national budget.
Ginawa ng senador ang pahayag kasabay ng pagdiriwang ng 42nd anniversary ng Lung Center of the Philippines ngayong araw.
Sinabi ng mambabatas na ang dagdag na pondong inilaan ng Kongreso ay para sa expansion ng mga pasilidad, pagbili ng mga medical equipment at training ng mga tauhan ng LCP.
Isa ring paglalaanan ng pondo ang pagtatatag ng Lung Transplant Program for Patients with Advanced Lung Disease.
Layon ng programa na makapagbigay ng abot kayang lung transplant para sa mga pasyenteng may malalang kondisyon gaya ng lung cancer, emphysema o chronic obstructive pulmonary disease, pneumonia, at iba pang sakit sa baga.
Pinunto ni Angara na sa mga nakalipas na taon ay ipinaprayoridad ng Senado ang paglalaan ng dagdag na pondo para sa mga ospital ng gobyerno.
Umaasa si Angara na sa mga susunod na panahon ay magkakaroon rin ng lung transplant program sa mga malalayong probinsya ng Pilipinas.| ulat ni Nimfa Asuncion