Marami nang nagbago sa Traslacion 2024, hindi naman nawala ang tradisyon ng pag-aalay lakad ng ilan sa mga debotong makikiisa sa Pista ng Itim na Nazareno ngayong araw.
Sa Welcome Rotonda, Quezon City, tuloy-tuloy ang pagdaan ng mga deboto na hindi alintana ang buhos ng ulan, mga nakayapak at nakasuot pa ng dilaw o maroon na damit na may imahen ng Nazareno.
Karamihan sa mga ito, hindi na sasama sa prusisyon kundi didiretso na ng Quiapo Church para makimisa.
Kabilang dito si Luisa na taon taon namamanata sa Poong Nazareno.
Si Mang Edwin, isinama pa ang buong pamilya pati ang maliit na anak para daw maiparanas ang Pista ng Poong Nazareno.
May ilan ding nag-aalay lakad na magkaka-barangay at may ipinuprusisyon pang maliit na imahen ng Poong Nazareno.
Bitbit ng mga deboto ang kanilang dasal at pasasalamat sa Mahal na Nazareno sa naging pagpapala nito sa nakalipas na taon. | ulat ni Merry Ann Bastasa