May ilang mga deboto ang maagang nagsi-uwian ngayong Kapistahan ng Poong Nazareno.
Sa bahagi ng Quezon Avenue, naabutan ng RP1 team ang magkaka-barangay mula sa Masagana, Bahay Toro, Quezon City na naglalakad pauwi.
Ayon sa kanila, nagpalipas sila ng magdamag sa Quirino Grandstand at nakisama rin sa pagsisimula ng Traslacion kaninang madaling araw.
Tulak-tulak ng mga ito ang kanilang isinama sa prusisyon na imahen ng Poong Nazareno at bitbit rin ang mga panyo at bimpong naihaplos sa andas.
Kwento ng isang deboto, ibibigay nito ang bimpo sa kanilang mga kaanak na naiwan sa bahay lalo na sa mga may iniindang karamdaman.
Sa kabila ng pagod, mas bakas ang tuwa at ramdam ang matinding pananampalaya sa mukha ng mga deboto dahil nabasbasan aniya sila muli ng biyaya ng Poong Nazareno.
Nagpapasalamat ang mga ito na ibinalik ang tradisyon ng Traslacion na matagal aniya nilang hinintay.
Bukod sa mga pauwi, may mga debotong naglalakad pa rin patungong Quiapo Church para dumalo sa misa ngayong kapistahan ng Poong Nazareno. | ulat ni Merry Ann Bastasa