Agad tumugon ang House Commitee on Ways and Means sa atas ni Speaker Martin Romualdez na silipin, kung nakakatalima ba ang mga establisimyento sa pagbibigay ng VAT exemption sa persons with disability.
Batay sa abiso ng House panel, magsasagawa ng Motu Proprio Inquiry ang komite kasama ang Committee on Senior Citizens at Special Committee on Persons with Disability ngayong araw, January 17.
Matatandaan na sinabi ni Romualdez na maaaring gamitin ng Kamara ang oversight function nito para imbestigahan, in aid of legislation, ang mga ulat kaugnay sa hindi tamang pagbibigay ng diskwento sa mga PWD at maging senior citizens.
Salig sa RA 10754 o Act Expanding the Benefits and Privileges of Persons with Disability (PWDs) ililibre ang mga PWD sa pagbabayad ng 12% VAT.
Kasama rin sa pinasisiyasat ang posibleng pag-abuso ng ilang indibidwal sa paggamit ng naturang pribilehiyo ng mga PWD. | ulat ni Kathleen Jean Forbes