Patuloy pa rin na mapapanood sa mga sinehan ang 10 pelikulang kalahok sa 2023 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Ito ay matapos na palawigin ng MMDA ang theatrical run ng MMFF movies hanggang sa January 14.
Kaugnay nito, sinabi ni MMDA Acting Chairperson at MMFF concurrent overall Chairman Atty. Don Artes, na pumalo na sa P1.069 bilyon ang pinagsama-samang kita ng 10 pelikula mula nang ipalabas ito sa mga sinehan noong December 25.
Mas mataas ito sa naitala noong 2018 MMFF na P1.061 bilyon kung saan nasa 1,200 na mga sinehan ang binuksan at ngayon ay nasa 800 mga sinehan lang.
Kabilang ani Artes sa mga factor na nakatulong sa tagumpay ng 2023 MMFF ang kalidad ng mga pelikula na inaalok sa mga manonood.
Samantala, pinaghahandaan din ng MMDA ang pagpapalabas ng 10 pelikula na kasali sa 2023 MMFF sa gaganaping Manila International Film Festival sa Los Angeles, California simula January 29 hanggang February 2. | ulat ni Diane Lear