Inaresto ng mga tauhan ng PNP Anti-Cybercrime Group ang isang lalaking suspek, na nagbantang ikakalat ang mga hubad na larawan at video ng kanyang ka-chat na babaeng may-asawa sa Facebook.
Kinilala ang suspek na si Vicente Bahalia Nuñez, 32, na tubong Hilongos, Leyte at kasalukuyang naninirahan sa Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal.
Inaresto ang suspek sa entrapment operation kahapon ng tanghali sa tapat ng Jollibee Farmer’s Aurora, Cubao, Quezon City.
Ito’y matapos ireklamo ng 33-taong gulang na misis mula sa Taguig, na pinipilit umano siya ng isang Facebook account na gamit ang pangalang “Jemar Nuñez” na makipagkita, kapalit ng hindi paglalabas ng mga maseselang larawan at video ng biktima.
Ang arestadong suspek ay kakasuhan ng paglabag sa Article 286 ng Revised Penal Code o Grave Coercion, at RA 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009, kapwa kaugnay ng Section 6 ng RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012. | ulat ni Leo Sarne
📷: ACG