Kinumpirma ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagkamatay ng lider ng criminal group na ‘Concepcion’ at tinaguriang ‘most wanted person’ ng Region 5 kahapon, Enero 24.
Kinilala ang suspek na si Gilbert Concepcion na taga-Malosbolos, Libon, Albay.
Sa inilabas na ulat ng Parañaque CPS, habang isinisilbi sa suspek ang warrant of arrest, bigla na lamang itong nagpaputok ng baril kung kaya nauwi ito sa malagim na engkwentro.
Una rito, nakatanggap umano ng impormasyon ang pulisya na sa isang bahay sa Sitio de Asis sa nasabing barangay namamalagi si Concepcion.
Matagal na umano itong pinaghahanap dahil sa patung-patong na kaso kabilang na ang gun for hire, extortion, pagpatay at pagnanakaw sa Albay, Camarines Sur maging ang kaso ng panggagahasa sa mga menor de edad.
Nasawi din ang kasama ni Concepcion na isang lalaki na hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan.
Ayon sa pulisya, posibleng mabuwag ang grupo ni Concepcion.
Samantala, patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring insidente. | ulat ni AJ Ignacio