Limang toneladang gulay katulad ng repolyo, pechay baguio, at labanos ang ibinagsak ng mga magsasaka mula sa Benguet sa isang tindahan sa St. Mary Avenue, Provident Village sa Marikina City.
Ayon kay Lynette Bernado, may-ari ng sari-sari store, nakiusap sa kaniya ang ilang kaibigan na mga magsasaka na saluhin ang mga gulay dahil bigo itong maibenta sa mga palengke sa Metro Manila.
Dagdag pa ni Bernardo, unang dinala ang mga gulay sa Divisoria pero walang kumuha dahil apaw na ang gulay doon; sumunod naman sa Balintawak wala ring kumuha, tapos pumunta din sila sa Pasig at Taguig, pero wala ding kumuha ng gulay.
Sa huli, tinanggap ni Bernardo ang mga gulay at ibinebenta ito ng P20 kada kilo at P200 per bag o 10 kilo ng gulay.
Sa katunayan, hindi pa nga raw ito bayad at binigyan lang ni Bernardo ang mga kaibigang magsasaka ng pambayad sa truck, toll gate, gas, at pangkain sa halagang P35,000.
Umaasa naman si Bernado na mabebenta ang mga gulay lalo na ang pechay baguio ngayong araw dahil ito ay mabubulok lang.
Para naman sa mga gustong bumili, maaaring pumunta sa #68 St. Mary Avenue, Provident Village, Marikina City. | ulat ni Diane Lear