Naging maayos at mapayapa sa kabuuan ang naging pagsalubong ng Bagong Taon sa lungsod Quezon, ayon ‘yan sa Quezon City Police District (QCPD).
Sa isang pahayag, sinabi ni QCPD Director, PBGen. Redrico A. Maranan na maliban sa naiulat na isang insidente ng ‘indiscriminate firing’, wala nang anumang ‘major untoward incident’ ang naitala sa lungsod.
Kaugnay nito, zero incident rin sa QC pagdating sa focus crimes nitong selebrasyon ng Bagong Taon at minimal lang din ang naitalang firecrackers-related injury.
Ayon kay QCPD Chief Maranan, malaking bagay rito ang pinaigting na kampanya sa iligal na paputok kung saan aabot sa higit 14,000 assorted firecrackers ang nakumpiska ng pulisya.
Bukod dito, nakatulong din aniya ang programa ng QC LGU sa pagtatalaga ng designated areas tulad ng Quezon Memorial Circle at piling open spaces para sa mga firecrackers.
“Dahil dito mas nabantayan ng ating kapulisan itong mga areas na ito. And for this, I would like to sincerely thank the QC LGU led by our very own Mayor Josefina ‘Joy’ Belmonte, for all the significant programs and support for QCPD.”
Kaugnay nito, pinasalamatan naman ni Gen. Maranan ang mga pulis na nagsilbi at nagbantay para maging mapayapa ang pagsalubong ng 2024 sa Quezon City. | ulat ni Merry Ann Bastasa