Pumasok na rin sa kasunduan ang Alaminos City Pangasinan Local Government Unit at Department of Human Settlements and Urban Development para sa pagpapatayo ng housing projects sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program.
Isang Memorandum of Agreement ang nilagdaan nina DHSUD Undersecretary Emmanuel Pineda at Alaminos City Pangasinan Mayor Arth Bryan Celeste para sa proyektong pabahay.
Ayon sa DHSUD, ang lungsod ng Alaminos ay pangalawang LGU mula sa Region 1 na pumasok sa tripartite agreement kasama ang PAG-IBIG para sa housing project sa ilalim ng 4PH.
Sinabi ni Mayor Celeste na simula pa lamang ang proyektong pabahay ng maraming mga hakbangin para sa kanyang mga nasasakupan.
Nagpasalamat din ang alkalde sa DHSUD sa suporta nito sa pagbibigay ng disenteng tahanan para sa bawat Pilipino.
Ang proyekto ng LGU ay binubuo ng walong apat na palapag na gusali na may kabuuang 882 residential units at 30 commercial units. | ulat ni Rey Ferrer