Nakikipagtulungan ang 10th Infantry Division (10ID) ng Philippine Army sa mga pamahalaang panlalawigan ng Davao de Oro, Davao del Norte, at Davao Oriental sa paghahatid ng tulong sa mga lugar na apektado ng malakas na pag-ulan dulot ng shear line.
Unang nagsagawa ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) ang 10ID sa pamamagitan ng BlackHawk helicopter nitong Enero 19 hanggang kahapon, sa mga lugar na apektado ng pagbaha.
Dito’y nakita na 50 mula sa unang iniulat na 154 lugar na binaha ang baha pa rin hanggang kahapon.
Bilang tugon, ipinagamit ni 1001st Infantry (Pag-asa) Brigade Commander Brigadier General Felix Ronnie B Babac ang kanilang mga military truck at iba pang kagamitan para tumulong sa mga apektadong lalawigan kung saan ang Davao del Norte at Davao de Oro ay kasalukuyang nasa ilalim ng state of calamity.
Siniguro naman ni 10ID Commander Major General Allan D. Hambala ang commitment ng militar na tulungan at suportahan ang mga apektadong komunidad sa panahon ng sakuna. | ulat ni Leo Sarne