Sa kabila ng masamang panahon, hindi nagpatinag ang humanitarian team ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para maghatid ng malinis na tubig sa mga residente ng Agusan del Sur na apektado ng malawakang pagbaha bunsod ng low pressure area.
Dala ng grupo ang solar-powered water filtration units para makapagbigay ng malinis na inuming tubig sa mga residente sa ilang barangay sa lalawigan.
Ang bawat unit ng solar-powered water filtration system ay kayang makapagsala ng 180 na galon ng tubig kada oras.
Ayon sa MMDA, dalawang munisipalidad ang naserbisyuhan ng grupo sa nakalipas dalawang araw kabilang dito ang Talacogon at Bunawan kung saan nasa pitong barangay ang nabigyan ng malinis na tubig.
Matatandaang ipinadala ni MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes ang 30-man contingent alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para mabigyan ng tulong ang mga nasalantang residente. | ulat ni Diane Lear