Kapwa tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na naka-alerto ang kanilang mga pwersa sa anumang uri ng banta sa bansa.
Sa pulong balitaan sa Camp Aguinaldo ngayong araw, sinabi ni AFP Spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla, na ang modus ng bomb threat na kumalat kahapon sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno ay hindi na bago partikular ang paggamit ng email sa pagpapakalat nito, at maging ang pangalan ng umano’y Japanese Lawyer na nagpadala nito.
Gayunman, tiniyak ni Padilla na hindi nagpapaka-kampante ang AFP at naka-alerto ang kanilang mga tauhan sa mga ganitong uri ng banta.
Sa panig naman ng Pambansang Pulisya, sinabi ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. na bagama’t hoax lang ang naturang bomb threat sa mga tanggapan ng gobyerno, hindi ito dapat balewalain makalipas ang nangyaring pambobomba sa Mindanao State University sa Marawi kamakailan.
Sinabi ng PNP Chief, na aktibong nakikipagtulungan ang PNP sa kanilang mga counterpart sa ibang bansa para tugisin ang mga nasa likod ng naturang bomb threat. | ulat ni Leo Sarne