Muling umani ng parangal ang Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong matapos igawad ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang certificate of commendation sa lungsod.
Ito ay dahil sa ipinapatupad nitong Electronic Business One-Stop Shop (eBOSS) bilang pagtalima nito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pag-digitalize at pagpapabilis ng mga proseso ng gobyerno.
Ang pagkilala ay personal na iniabot ni ARTA Director General Secretary Ernesto Perez kay Mandaluyong City Mayor Ben Abalos at Vice Mayor Menchie Abalos sa flag raising ceremony ng pamahalaang lungsod kahapon.
Sa ipinatutupad na eBOSS ay maaari nang kumuha ng business permit sa loob ng isang oras. Ang eBOSS system ay isang end-to-end process na online na ginagawa ang pag-apply ng business permit, ang pagpasa ng requirements para dito, ang pagbayad ng fees, hanggang sa pag-print ng aktwal na business permit.
Nagpasalamat naman si Mayor Abalos sa iginawad na parangal ng ARTA, at sinabing sisikapin pa ng Mandaluyong LGU na dagdagan pa ang pag-digitalize ng iba pang mga proseso sa lungsod.
Hinikayat naman ng ARTA ang ibang lokal na pamahalaan na magpatupad din ng sarili nilang eBOSS system dahil makatutulong ito sa pagtaas ng narerehistrong negosyo at nakokolektang buwis. | ulat ni Diane Lear