Naaresto kagabi ng mga tauhan ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang isang 31-taong gulang na babae na nakakuha ng 230-libong halaga ng imported goods mula sa isang online seller, gamit ang mga pekeng bank transaction receipt.
Kinilala ni ACG Cyber Response Unit Chief PCol. Jay Guillermo ang suspek na si Mayumi Jane Ocubo alias “Sofia Lim”, ng Pilar Village, Las Piñas City.
Base sa reklamo ng biktimang si Camille Arcibal, inisyal na bumili ng 1,200 pisong halaga ng produkto ang suspek kanyang live online selling ng Thailand at Japan Clothing products noong Oktubre 23, kung saan naagbayad ito sa pamamagitan ng bank transfer at ipinadala ang bank transaction receipt.
Nasundan pa ito ng maraming order na umabot sa 237 libong piso ang kabuuang halaga, na binayaran din ng suspek sa parehong paraan.
Pero nang beripikahin kamakailan ng biktima ang mga transaksyon sa kanyang Bank account, natuklasang peke ang mga transaction receipt na pinadala ng suspek.
Dahil dito, nahaharap ang suspek sa kasong swindling /estafa, kaugnay ng R.A. No. 10175 o Cybercrime prevention Act of 2012. | ulat ni Leo Sarne