Inimbitahan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga business leader sa General Santos City na mamuhunan sa mga proyekto sa transportasyon ng pamahalaan.
Ito ang sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista sa isinagawang pulong kasama ang General Santos City Chamber of Commerce and Industry, kung saan natalakay ang iba’t ibang mga proyekto sa transportasyon.
Ayon kay Bautista, inaanyayahan niya ang mga business leader sa lungsod na makiisa sa isinusulong na mga pagbabago sa pampublikong transportasyon sa bansa.
Kabilang sa napag-usapan ang pagpapalawak ng General Santos Airport para mas maraming international flights ang ma-accommodate dahil sa nakikitang paglakas ng sektor ng turismo sa South Cotabato.
Kinakailangan aniya ng suporta sa pagtatayo ng mga bagong hotel, resort, at restaurant.
Dagdag pa ng kalihim, pagagandahin din ng DOTr at Philippine Ports Authority ang Makar Port sa GenSan upang matiyak ang maayos na pagbiyahe ng mga pasahero at ang kalakalan sa lalawigan.
Hinimok naman ng DOTr ang mga business leader na maghain ng mga panukala para sa pagpapabuti ng Makar Port. | ulat ni Diane Lear