Sa temang “Nagkakaisang Tinig Tungo sa Bagong Pilipinas”, pormal na sinimulan ang caravan ngayong araw, Pebrero 22 sa pamamagitan ng pagbubukas ng exhibition booths kung saan ibinida ang iba’t ibang serbisyo ng communications agency ng gobyerno.
Kabilang dito ang Bureau of Communications Services, National Printing Office, Philippine News Agency, News and Information Bureau, Radyo Pilipinas, Radio TV Malacañang (RTVM), at People’s Television Network, Inc.
Sa naturang kaganapan, nabigyan din ng pagkakataon ang mga mag-aaral na maipamalas ang kanilang mga kakayahan gaya ng pagiging writer, radio at TV anchor.
Naipaalam din sa mga mag-aaral ang communication efforts ng pamahalaan sa pamamagitan ng isinagawang forum kung saan tinalakay ang programang Bagong Pilipinas, ang kahalagahan ng pagpapabatid sa publiko tungkol sa mga ginagawa ng Pangulo para sa bansa at mga pamamaraan ng government media sa pagbabalita.
Tinalakay din ang tungkol sa Media Information Literacy, Freedom of Information at Digital Communications.
Ito ang pangalawang pamantasan sa Eastern Visayas na pinagdausan ng PCO Community o Campus Caravan. Ang una ay matagumpay ding idinaos nitong nakaraang Lunes at Martes sa Eastern Visayas State University.
Nakatakdang matatapos ang campus caravan sa Leyte Normal University bukas, Pebrero 23. | ulat ni Ria Micate, RP Sogod