Nagkasundo ang Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI) at National Irrigation Administration (NIA) para tiyakin ang sapat na suplay ng bigas sa bansa.
Kasama na rin dito ang pagbuo ng alternatibong pamilihan para sa butil na mapakinabangan ng mga magsasaka at mamimili.
Isang memorandum of understanding ang nilagdaan na ng tatlong ahensya na layong isulong ang Integrated Rice Supply Chain Development Program.
Isang proyekto na magpapaunlad ng mahusay na supply chain; pagbuo ng isang business-to-business online market platform; lilikha ng alternatibong pag-access sa merkado para sa mga buyer at seller; pagpapalaki ng kita ng mga magsasaka; pagtaguyod ng wastong pagbatak at pag-uuri ng bigas; at gawing abot-kaya ang bigas sa mga mamimili.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. maiaangat ang katayuan ng agricultural products ng bansa sa global stage sa pamamamagitan ng pagtutulungan sa produksyon, klasipikasyon, marketing at pamamahagi ng domestic rice.
Sinabi pa ng kalihim, nakapag-ambag ang agrikultura ng siyam na porsyento sa gross domestic product noong nakaraang taon.| ulat ni Rey Ferrer