Lalarga na ang dalawang proyekto ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na layong matulungan ang vulnerable sector na makatugon sa epekto ng El Niño sa lalawigan ng Bulacan.
Ngayong araw, Pebrero 22, pinangunahan ni DSWD Undersecretary for Disaster Response Management Group (DRMG) Diana Rose Cajipe ang paglagda sa MOU para sa ceremonial launching ng Project LAWA o Local Adaptation to Water Access at BINHI o Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished sa Doña Remedios Trinidad sa lalawigan ng Bulacan.
Pangunahing layon ng Project LAWA at BINHI na patatagin ang kapasidad ng mga vulnerable sector gaya ng mahihirap sa panahon ng tagtuyot partikular sa hamon ng food insecurity at posibleng kakulangan ng suplay ng tubig.
Kabilang sa mga benepisyaryo nito ang mga magsasaka, mangingisda, indigenous peoples (IPs), at iba pang climate at disaster-vulnerable families.
Sa ilalim ng mga programang ito, may iba’t ibang training at trabaho na may kinalaman sa water efficiency at food security ang ilalapit ng DSWD sa mga benepisyaryo na may kaakibat na cash-for-work (CFW) at cash-for-training (CFT).
Ilan dito ang Learning and Development Sessions (LDS) na may kinalaman sa Climate Change Adaptation and Mitigation and Disaster Risk Reduction (CCAM-DRR) at mga proyektong pagtatayo ng small farm reservoir (SFRs); repair at rehabilitasyon ng water harvesting facilities; communal vegetable gardening; urban gardening; school-based at community-based vegetable gardening.
Una nang pinakilos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga ahensya ng pamahalaan upang maibsan ang epekto ng El Niño na inaasahang tatagal hanggang sa ikalawang quarter ng 2024. | ulat ni Merry Ann Bastasa