Aabot sa 250 mahihirap na senior citizens sa Metro Manila ang buena manong nakatanggap ngayong araw ng dobleng social pension nila sa Department of Social Welfare and Development.
Pinangunahan mismo ni First Lady Liza Araneta Marcos at DSWD Sec. Rex Gatchalian ang ceremonial payout para sa mga senior sa DSWD Central Office sa Batasan, Quezon City.
Ito ay sa bisa ng Republic Act 11916 o ang Social Pension for Indigent Seniors Act kung saan iniakyat sa P1,000 mula sa P500 ang buwanang pensyon ng indigent senior citizen.
Ang bawat isang benepisyaryo sa isinagawang payout ay tumanggap ng P6,000 pensyon para sa anim na buwan.
Sa kanyang talumpati, nagpasalamat si DSWD Sec. Rex Gatchalian kay Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. sa mabilis na pagpapatupad ng batas na naglalaan ng 100% pagtaas sa buwanang pensyon ng mga senior.
Ayon sa kalihim, makakaasa ang mga senior na mananatili silang prayoridad ng ahensya at sila ay hindi maiiwan sa Bagong Pilipinas.
Tiniyak rin ng kalihim ang aktibong pakikipagugnayan sa National Commission of Senior Citizens para sa karagdagan pang suporta sa sektor.
Sa kanyang panig, pinasalamatan naman ni First Lady Liza ang DSWD at mga social worker sa kanilang dedikasyon na walang tulungan ang mga nakatatanda sa lipunan.
Tinatayang aabot sa 4,085,066 indigent senior citizens ang pasok sa social pension program para sa taong ito.
Kabilang sa maituturing na indigent senior citizens ang mga matatanda na, may karamdaman, walang permanenteng pagkakakitaan o wala ring regular suportang natatanggap sa kanilang kaanak, at hindi tumatanggap ng anumang pensyon mula sa SSS, GSIS, PVAO o AFPMBAI. | ulat ni Merry Ann Bastasa