Hinarang at sinunog ng hindi pa nakikilalang armadong grupo ang isang modern jeepney sa Barangay Dahican, Catanauan, Quezon kagabi.
Sa ulat ng Catanauan Municipal Police Station na nakarating sa Camp Crame, hinarang ng apat na armadong suspek ang naturang jeepney habang bumibiyahe sa national highway bandang alas-7 kagabi, at pinababa ang drayber nito na si Carl Bayer Villanueva at lahat ng pasahero.
Sa salaysay ni Villanueva sa mga pulis, sinabihan sila ng mga suspek na hindi hold-up ang kanilang ginagawa at pinatalikod lang ang mga pinababang sakay ng jeep.
Kasunod nito ay naghagis umano ang mga suspek ng molotov bomb sa loob ng jeep na tuluyang natupok ng apoy.
Ang nasunog na modern jeepney ay pag-aari ng Gumaca Transport Cooperative.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng lokal na pulisya ang insidente upang matukoy ang mga suspek at ang kanilang motibo. | ulat ni Leo Sarne